Nakakatuwa na nauso ang pagpapa-workshop. Nakhahanga sa mga eksperto ang pagbabahagi ng kanilang nalalaman at pagsiwalat nila sa kanilang mga sikreto upang makatulong sa mga baguhan.
Dumalo kami ni Risha sa workshop ng aming suking photographer. Dati ko pa siyang kakilala mula sa panahon ko sa student council (sila ang kinuha namin sa ) at nang lumipat sila sa wedding photography, sila na din ang kinuha naming litratista sa aming kasal. Sa wakas ay naisipan din niyang magpa-workshop kaya naman bilang hilig na namin ang photography at suporta na din, sumali kami.
Maganda naman ang aming naranasan. Nakapulot nga maraming diskarte. Higit sa lahat, may mga naiuwing mga litrato na pwedeng isama sa aming mga portfolio. Marami mang naibahagi kahapon ang aming guro kahapon (mula sa creative process, pakikitungo sa subject, techniques sa pagkuha ng litrato at pagsasaayos nito sa Photoshop), marami pa akong natanto mula sa aking naranasan kahapon lalo na mula sa mga nakasabayan:
Hindi lahat ng bride ay mistisahin at pang-pageant/model ang ganda. Pawang katotohanan lamang. At marami ay hindi propesyonal na modelo. May mga pose na hindi komportable sa ordinaryong tao at may mga bride na sadyang mahiyain. Lumalabas sa litrato ang ganitong mga emosyon. Mahalaga na magkaroon ng magandang koneksyon ang photographer at subject upang magmukhang panatag ang bride. At syimpre, kasama na din ang kulay ng balat sa pagpili ng tamang pag-ilaw at pagtimpla ng kulay sa photoshop.
Malaki ang naidadagdag ng makeup, contact lens, at false eyelashes. Para sa mga bride, pag-isipang isama sa budget ang mahusay na make-up artist. Hindi naman sa kailangang isang dangkal ang kapal ng pintura mo sa mukha ngunit sadyang nakadaragdag ang makeup.
Trabaho ni photographer ang gawing extraordinary ang ordinary. Hindi lahat ng shoot ay may mataas na production value. Hindi pwedeng gawing dahilan ang kawalan ng budget para mai-angat ang kalidad ng mga litrato.
Mas mabilis mag-setup ng continuous lighting system. Kung kailngan ng artificial light, mukhang magandang tingnan ang paggamit ng continuous lighting system. Hindi man kasinlakas ang ilaw na kayang ibuga ng strobe ang mga LED video lights, mukhang mas mabilis at mas madaling iset-up at gamitin ang mga ito lalo na’t WYSIWYG ang ganitong lighting system.
Hindi din dahil “propesyonal” ka na ay dapat baliwalaiin ang mga amateur at hobbyist sa workshop. Isang tema nga ng workshop ay pagbabahagi. Sana ay natulungan man lang ng mga “pro” yung kasama nilang nagsisimula pa lang.
Laging tandaan na wala sa pana iyan, nasa namamana. Hindi dahil may pro-level gear ka ay magiging magaling ka na. Oo, may naidadagdag ang magandang camera at lente. Mayroon ding naman na kasabay na naka-entry level camera at mahusay din ang kinalabasan ng mga kuha. Laging sabihin sa sarili na hindi ka karapat-dapat sa pro gear kung hindi ka makakuha ng matinong litrato gamit ang mumurahing gamit.
Iba ang model shoot sa wedding shoot. Sa totoong buhay, kakarampot lang ang oras para kumuha ng litrato sa kasal. Hindi maaaring babarin sa kung anu-anong pose ang bride nang ilang oras para makapitik ka ng libu-libong kuha.
Laging irespeto ang oras ng iba. Kung sinabing maghalinhinan, bigyan ng pagkakataon kung sino ang nakatoka. Kulang talaga sa konsepto ng pila at oras ang marami. Nawa’y mahinuha ng iba iyon lalo na’t tinuringan nilang propesyunal ang kanilang mga sarili. Sana ay hindi naman nila ilabas ang ganoong ugali sa mga kliyenteng kukuha sa kanilang mga serbisyo.
Kahit sino o anong subject ay dapat iginagalang. Kung nais mamboso, sumama na lang sa mga “open shoot” ng mga litratistang nais lang makakuha ng kung ano. O bumili na lamang ng FHM. Piliing mabuti ang sasabihin. Walang bride ang magnanais na mabastos sa kanyang kasal.