Nagising ako kahapon ng madaling araw. Tiningnan ko ang telepono at nakitang umaapaw ang Facebook at Twitter ng notifications. Puno ng posts at tweets mula sa mga kaibigan at dating propesor. Nasusunog ang Faculty Center at mukhang malubha. Tila matutupok at magiging abo ang lahat ng nasa gusali.
Tulala ako sa kama habang tuloy ang pag-scroll sa feeds. Halong gulat at kaba. Malaking takot ko na mula pagkabata ang masunugan dahil sa sunog, madalas walang natitira.
Alam kong halos lahat ng mga guro ng CAL at CSSP ang tumuturing sa kanilang mga opisina bilang ikalawang tahanan. Dito iniiwanan at itinatago hindi lamang ang gamit sa saliksik at pagtuturo, ngunit mga personal na gamit na din. Kasama na dito ang mga abubot na tanda ng mga ala-ala at samahang nabuo sa itinagal nila sa Unibersidad.
Nakakapagpabagabag ang mga mensahe ng mga kaibigan at kasamahan na sumugod sa FC. Nakalulungkot ang mga imahe ng gusaling lumiliyab at balot ng usok.
Kaunting konswelo na wala namang nabalitang nasaktan sa sunog. Ngunit hindi rin madaling palampasin ang kolektibong kawalan, hindi lamang ng mga kolehiyo’t komunidad, ngunit nating mga Pilipino. Tiyak akong napakaraming mahahalagang dokumento, saliksik, aklat, liham, gamit, tala, akda, at kung anu-ano pang kumakatawan sa kasaysayan at tradisyon ng iba’t-ibang disiplina at larangan ang nawala dahil sa apoy.
Napakalaking bahagi ng buhay ko ang Bulwagang Rizal. Apat na taong undergraduate. Limang taong masters. Walong taong guro. Enlistment at pagkuha pa lang ng class cards ay marami nang ala-ala at kwento. Pagtambay sa mga galleria. Pagbabantay ng mga booth sa lobby. Pagpapa-pirma sa Dean’s Office. Pagkain sa KATAG. Panonood sa AVR. Pagpapa-Xerox kay Ate Jofel. Maipit sa rambol ng mga frat. Nandiyan pa ang panahong maglamay sa basement kasama ang mga multo ng panahon ko sa konseho. Pagdalo at pagbigay ng lecture sa Pulungang Recto. Hindi mabilang na konsultasyon, klase, at meeting sa mga iba’t ibang silid. Mga interaksyon sa kaibigan, guro, estudyante, at kakilala. Ala-ala nang lahat.
Habang napag-usapan pa namin ng aking mga katrabahong kapwa produkto ng DECL ang aming mga plano sa aming mga karera. Natanong kung babalik pa akong magturo. Sabi ko parang wala na akong ganang bumalik. Bukod sa mahirap sa kalusugan ay napag-iwanan na din ako sa disiplina. Tila nawalan ako ng “drive.” Hindi ko tuloy alam kung anong klaseng signos o banta ang sunog na iyon sa aking mga plano sa buhay.
Kasabay pa man ng huntahang iyon ang pulong ng Language Committee kung saan ako’y naimbitahan. Hindi ako dumalo. Ngayon ay napakalaking pagsisisi. Kahit minsan man lang ay naka-apak akong muli sa FC na alam at tanda ko.
Higit isang araw na ang nakalipas ngunit mahirap pa ding tanggapin na wala na.
Ngunit alam kong babangon muli ang lahat.
Dapat.
***