Ayan na po ang COVID-19. Padami na nang padami ang naitatalang mga kaso. At nagsimula nang maalarma ang sambayanang Pilipino.
Ugali namin sa bahay na may at least two-weeks supply ng mga bagay-bagay. Hindi uso sa akin yung kapag naghanap ako ng bagay ay sasabihin sa akin “Ubos na.”
Hindi naman ako doomsday prepper. Pero dahil naranasan ko nang abutin na hindi makabili dahil sa sakuna (tulad noong Ondoy, Habagat, at Taal erruption), minamabuti ko na may contingency lang kung sakaling may mangyari ulit.
Nakaraang linggo pa lang, ine-expect ko na baka mag-panic buying ang mga tao dahil nga tumaas ang mga reported cases ng positibong COVID-19. Pinalipas ko muna ang weekend dahil siguradong mas maraming tao sa pamilihan.
Lunes, lumabas para mag-top-up ng supplies at bumili ng wet produce na pwedeng ilagay sa ref at freezer. Tila wala pang nag-panic buying pagdating sa supermarket. Kakaunti pa lang ang mga tao. Nabili naman ang kailangang bilhin.
Yun lang ubos na ang mga malalaking 70% isopropyl alcohol at hand soap refill. Kahit sa Office Warehouse na may mga de-pump na litrong alcohol ubos na din. Buti na lang at pang-top-up lang ang kailangan namin dahil lagi namang may alcohol sa bahay.
Kahapon, napabalitang nagkalimasan na mga alcohol at sabon sa mga supermarket. Nag-panic buying na nga.
Hindi sa proud ako na “naunahan” ko ang mga tao. Mapapa-isip ka lang talaga na bakit kailangang umabot sa state of frenzy kapag may sakuna.
- Pasalamat ako at may pambili/pang-utang (dahil credit card ang gamit namin pang grocery). Sabi nga ng iba, “Walang pang-buy kaya panic na lang.”
- Kahit ka-kapit-subdivision namin yung napabalitang dalawang positibong kaso ay mababa naman ang relative density ng kabahayan dito. Pero praning pa din ang karamihan.
- Buti na lang at may initiative ang mga grupo tulad ng WHO Philippines na magbigay ng tamang impormasyon dahil walang maasahan sa national government.
- Ang daming mahilig magkalat ng maling impormasyon, kahit edukado o maykaya man.
Kung tutuusin dapat isa ako sa mga talagang praning sa COVID-19 dahil may hika ako. Pero talagang kailangan lang na hindi magpadala sa takot sa panahong ito. Sabi nga sa Dune, “Fear is the mind-killer.”